^

Police Metro

Habang nagko-cover sa Traslacion... TV reporter inagawan ng cellphone ng police general

Joy Cantos, Danilo Garcia - Pang-masa
Habang nagko-cover sa Traslacion... TV reporter inagawan ng cellphone ng police general
Nagpapaliwanag si SPD Director Police General Nolasco Bathan (kaliwa) tungkol sa ginawa niyang pang-aagaw ng cellphone sa TV reporter na si Jun Veneracion habang nagko-cover ng Traslacion noong Huwebes. Katabi niya si National Capital Region Office (NCRPO) P/Brig. Gen. Debold Sinas.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Nasa hotwater ang isang police ge­neral matapos na ireklamo nang pag-aagaw ng cellphone ng isang TV reporter sa kainitan ng coverage ng Traslacion, kamakalawa.

Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Archie Gamboa  si Southern Police District (SPD) Director Police Brig. Gen. Nolasco Bathan matapos ireklamo ni GMA 7 TV reporter Jun Veneracion dahilan sa pang-aagaw sa kaniyang cellphone sa kainitan ng coverage sa Traslacion ng Itim na Nazareno kamakalawa.

“Yes precisely yun ang sinasabi ko nga si Ge­neral Bathan. Inamin naman ni General Bathan na s’ya ‘yung kumuha ng cellphone. I think during a press briefing sinabi n’ya yun but all of these things will be assessed,” pahayag ni Gamboa.

Sa salaysay ni Veneracion, kasalukuyan siyang kumukuha ng video sa kaguluhang nagaganap sa pagitan ng mga pulis at ilang deboto na nagpipilit na makalapit sa imahe ng Itim na Nazareno sa bandang Ayala bridge nang lumapit ang isang pulis at bigla na lamang inagaw ang kaniyang cellphone at biglang umalis sa lugar.

Idinagdag ni Veneracion, pinigil pa umano siya ng isang pulis na habulin ang opisyal na kumuha ng kanyang cellphone na hindi niya nakita ang pangalan, subali’t nakita niya na may star ang balikat nito na nagsasaad na isa itong heneral ng PNP.

Isang grupo naman ng mga photojournalist ang nagturo kay Veneracion kung sino ang kumuha ng kanyang cellphone at ito nga ay si Bathan na kanyang kinompronta at tinanong kung bakit nito kinuha ang kanyang cellphone.

Ilang minuto pa ang nakalilipas ay muling binalikan ni Veneracion si Bathan at mu­ling nakiusap na ibalik ang kanyang cellphone at ang sabi ni Bathan sa kanya,“Pasensya ka na, Jun, hindi kita nakilala,”sabay soli ng kanyang cellphone.

Sa pag-check ni Vene­racion sa kaniyang cellphone ay napag-alaman nito na nabura na ang kanyang kuhang video sa naganap na kaguluhan kaya tinanong niya si Bathan kung bakit niya binura ang video sa cellphone.

“Wala akong binura dyan, saksi ko pa ang Itim na Nazareno,” saad ni Bathan, subalit ang video ay muling na-retrieve ni Veneracion na agad niyang inilagay sa social media.

Base pa sa huling segundo ng video ay may isang lalaki ang nag-uutos at nagsasaad na “Burahin mo, burahin mo kuha ni Jun Veneracion. Pu#!#! ina nagku-kwan eh.”

Sa depensa naman ni Bathan sa isinagawang media interview kahapon, hindi umano niya nakilala si Jun Veneracion.

vuukle comment

DEBOLD SINAS

TRASLACION

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with