Ex-pulis todas sa QC drug bust
MANILA, Philippines — Isang retiradong pulis na naging drug pusher ang nasawi nang mauwi sa shootout ang buy bust operation kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Ang napatay na suspect ay kinilalang si dating P/Corporal Tirso Agustin Lactaotao, 48, residente ng Brgy. Bagumbayan, Pililia, Rizal.
Sa ulat, bandang alas-12:25 ng madaling araw nang isagawa ang buy bust operation sa Austria Street, Brgy. Novaliches Proper.
Isinagawa ng PNP-IMEG ang buy bust operation katuwang ang Regional Special Operations Group (RSOG), National Capital Region Police Office (NCRPO) at Police Regional Office 4A, base sa intelligence report na involved sa recycling ng illegal na droga ang suspect sa lalawigan ng Rizal.
Nabatid na ang suspek ay isinailalim sa masusing surveillance operation matapos na makatanggap ng impormasyon sa pagkakasangkot nito sa illegal na pagtutulak ng droga.
Sa palitan ng putok ay nasapul ng bala si Lactaotao na agad isinugod ng mga elemento ng Novaliches Police Station (PS)4 sa Novaliches District Hospital pero idineklara itong dead on arrival.
Narekober naman sa operasyon ang isang 9MM Berreta pistol, 3 basyo ng bala, sari-saring mga ID’s, 7 sachet ng shabu, dalawang cellphone at P 2,000 cash.
Nabatid na si Lactaotao ay nag-optional retirement na sa serbisyo nitong nakalipas na Nobyembre ng taong ito.
- Latest