Paslit todas, 1 grabe sa sunog
MANILA, Philippines — Isang 4-anyos na batang babae ang nasawi habang nasa malubha namang kalagayan ang binatilyong pinsan nito matapos na masunog ang kanilang bahay sa Brgy. Ibabang Palale, Tayabas City, Quezon, kamakalawa ng gabi.
Ang nasawi ay kinilalang si Jusly Jane Jaspe, anak ng may-ari ng bahay kung saan halos hindi na makilala ang bata sanhi ng grabeng pagkasunog ng katawan nito. Habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang pinsan nitong si Jerome Salazar, 13.
Sa ulat ng Quezon Police, dakong alas-11:00 ng gabi nang masunog ang bahay ni Jay Ar Jaspe, 40, na kung saan ay natutulog noon ang bata sa loob ng silid nito nang lamunin ng apoy.
Nabigo namang mailigtas ang bata dahil nababalutan na ng apoy ang buong kabahayan.
Agad namang isinugod ang binatilyo sa pagamutan matapos na magtamo ng matinding paso sa kanang hita upang malapatan ng lunas.
- Latest