Duterte ‘di mapigilan sa pagmo-motor - Sen. Go
MANILA, Philippines — Sinabi kahapon ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na hindi kayang pigilan si Pangulong Rodrigo Duterte sa hilig nito sa pagmo-motor kahit sumemplang pa muli ito.
Ayon kay Go, palaging hinahanap-hanap ng isang rider katulad ng Pangulo ang pagsakay sa motor.
“Once you are a rider you will always be a rider so talagang hahanapin mo, ’pag ikaw ay rider at sumemplang ka bumangon at sumakay ka uli kasi kung hindi magkakaroon ka ng phobia,” sabi ni Go.
Ayon pa kay Go, inabot ng sampung minuto ang pagmo-motor nila ng Pangulo sa PSG compound sa Malacañang noong Huwebes ng gabi gamit ang motor na tatlo ang gulong.
“Sinubukan lang n’ya nu’ng gabi, umikot lang ulit sa PSG compound pero 3 gulong na ‘yun para sigurado na ’di na masesemplang,”sabi ni Go.
Samantala, kinumpirma naman ni Go na kahapon ay nasa Davao City ang Pangulo at nagpapahinga.
“Sa ngayon nagpapahinga sa Davao. Tao lang po ang Pangulo, 74 yrs. old na s’ya at workaholic po ang ating Pangulo,” sabi ni Go.
- Latest