Buy-bust: 4 ‘tulak’ tepok
MANILA, Philippines — Tumimbuwang ang apat na sinasabing ‘tulak’ ng droga matapos umanong manlaban sa mga otoridad sa isinagawang drug bust operation sa San Jose del Monte City, Bulacan, nitong Biyernes at kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga napatay na sina John Frederick Mallo alyas “Jhay-Jhay Mallo”, nasa PDEA-PNP drug watchlist; Eugenio Lopez alyas “Enyong”; isang alyas “Van”; at isa pang alyas “Jay”.
Sa ulat, dakong alas-12:45 ng madaling araw ng Sabado nang isagawa ang operasyon sa Blk. 14, Lt. 5, Brgy San Rafael ng lungsod.
Gayunman nakahalata ang tatlong target na sina Lopez, Van, at Jay na pulis ang kanilang ka-deal kaya agad nagpaputok ng baril na humantong sa shootout na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo.
Narekober sa operasyon ang dalawang improvised shot gun na may 12 gauge cartridge, isang cal 38 revolver, 19 sachet ng shabu, tatlong cal.23 cartridge, anim na cartridge ng cal 9 MM.
Bago ito, kamakalawa dakong ala-1:40 ng madaling araw ay nakabarilan din ng mga otoridad sa Sitio Paculis Brgy. Gaya-gaya ng lungsod ang pusher na si Mallo matapos itong manlaban pero nakatakas ang isa nitong kasamahan.
Nakumpiska sa operasyon ang isang cal 9 MM na may tatlong bala at siyam na plastic sachet ng iligal na droga.
- Latest