Terror attack sa N. Luzon, pinaiimbestigahan
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y planong pagsalakay ng mga terorista upang maghasik ng karahasan sa ilang bahagi ng Northern Luzon.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, makikipagtulungan ang NBI sa iba pang intelligence agency ng bansa para alamin ang mga detalye ng sinasabing terror attack na tumatarget sa mga simbahan sa norte.
Ayon sa kalihim, hinihintay lamang nila ang report mula sa mga otoridad hinggil sa sinasabing terrorist plot upang maisagawa ang nararapat na aksiyon.
Nagmula aniya ang report sa alert memo na pinalabas ng intelligence unit ng Armed Forces of the Philippines Northern Luzon Command sa planong pag-atake sa ilang crusader city at crusader churches sa rehiyon.
Tinatawag na crusader city o churches ng Islamic State (IS) ang target nitong mga lugar para sa gagawing religious war.
Kasama sa mga tinukoy sa memo ay ang Laoag City sa Ilocos Norte, Vigan City sa Ilocos Sur, Manaoag, Pangasinan at Tuguegarao City sa Cagayan.
- Latest