Pinoy, 8 Chinese arestado sa kidnapping
MANILA, Philippines — Walong Chinese at isang Pilipino ang inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagdukot umano ng mga Tsino sa casino sa Parañaque City.
Kinilala ang Pinoy na si Jomar Demadante, at mga Chinese national na sina: Ben Tan; Haitao Wang; Dechun Qin; Yong Fei Chan; Xiao Qiang Yang; Dong Zheng Wen; Beijun Lin; at Jun Wang.
Sa ulat ng NBI, nakatanggap sila ng reklamo mula sa ilang Chinese national, kabilang ang asawa ng isa sa mga biktima na sapilitang tinangay ng hindi pa kilalang mga suspek.
Ayon sa asawa ng biktima, tinangay ang kanyang mister mula sa isang kilalang hotel and casino complex sa Parañaque at dinala sa isang bahay sa Las Piñas City.
Ayon kay Assistant Director for Intelligence Service Eric Distor, pawang mga player sa casino ang 8 biktima na nadiskubreng talo sa paglalaro at pinautang ng mga suspek kapalit ng doble o tripleng interest.
Base sa kanilang imbestigasyon, inutusan umano ng mga suspek ang mga biktima na tawagan ang kanilang mga kaanak at hinihingan ng P2-milyon para sa kanilang kalayaan.
Nagawang makatawag ng isa sa mga biktima sa kanyang pinsan sa China na nagpadala ng P500,000.
Pero, hindi umano agad pinalaya ang biktima hanggang sa hindi pa nakukumpleto ang kabuuang halaga na hinihingi ng mga suspek.
Pinatawag ulit ng mga suspek ang biktima sa kaanak nito kaya dito na nakagawa ng paraan ang biktima na ipadala sa kanyang misis ang kanyang lokasyon sa pamamagitan ng GPS.
Ayon sa NBI, ang Pinoy ang nagsisilbing bantay ng bahay na nagsilbing safehouse ng mga suspek.Narekober mula sa Pinoy na suspek ang isang baril.
Ang mga suspek ay kinasuhan na ng kidnapping, serious illegal detention at paglabag sa illegal firearms.
- Latest