Eroplano ng PAF nag-dive: 2 piloto ligtas
MANILA, Philippines — Dalawang piloto ng Philippine Air Force (PAF) ang himalang nakaligtas matapos bumagsak ang bomber plane na kanilang pinapalipad habang nagsasagawa ng proficiency training sa Cavite City, nitong Biyernes umaga.
Kinilala ang dalawang nakaligtas na piloto na sina 1Lt. Uriel Pangket at 1Lt. Razelle Cerdenia na kapwa nagtamo lang ng minor injuries sa katawan.
Ayon kay PAF spokesman Maj. Aristedes Galang, hanggang sa ngayon ay hindi pa natatagpuan ang kinaroroonan nang nag-crashed na OV10 aircraft ngunit sinasabing posibleng bumagsak ito may tatlong nautical miles sa southwest ng Sangley Point sa Cavite.
Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, natukoy na ang OV10 ay pinalilipad ng mga naturang piloto nang bigla na lang itong magkaroon ng aberya hanggang sa tuluyang bumagsak pasado alas-9:00 ng umaga.
Nakarinig na lamang umano ang duty guard ng area ng Banog, na nasa dulo ng runway 25, ng malakas na mga tunog habang bumabagsak ang aircraft at nakitang nag-eject na ang dalawang piloto.
Masuwerteng bumagsak sa dagat ang dalawang piloto at agad silang nasaklolohan at nasagip ng ilang mangingisda na sakay ng dalawang civilian boats.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.
- Latest