Sa ika-3 pagkakataon: Martial Law sa Mindanao muling pinalawig
MANILA, Philippines — Mananatili hanggang Disyembre 31, 2019 ang martial law sa Mindanao at ang suspensiyon ng writ of habeas corpus matapos aprubahan ng Kongreso nitong Miyerkules ang hirit na extension ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa botohan sa joint congressional session, 235 mambabatas ang pumabor sa extension, 28 ang kumontra, at isa ang nag-abstain.
Sa 21 senador na dumalo sa joint session sa House of Representatives, lima ang hindi pabor, 1 ang nag abstain samantalang dalawa ang hindi nakaboto.
Ang 12 bomoto ng pabor ay sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Sonny Angara, JV Ejercito, Sherwin Gathalian, Richard Gordon, Gregorio Honasan, Panfilo Lacson, Manny Pacquiao, Aquilino “Koko” Pimentel III, Grace Poe, at Cynthia Villar.
Katulad ng inaasahang, tumutol sa ekstensiyon ng martial law ang mga senador mula sa minorya na kinabibilangan nina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Bam Aquino, Francis Escudero, Risa Hontiveros, at Francis Pangilinan.
Nag-abstain naman si Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, samantalang hindi nakaboto sina Senators Nancy Binay at Joel Villanueva dahil kinailangan nilang umalis ng mas maaga.
Magugunitang idineklara ni Pangulong Duterte ang martial law at suspension of the privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao noong Pebrero ng 2017 dahil sa pagsalakay ng Maute-ISIS terror group sa Marawi City.
- Latest