Sis Fox pinalalayas na
MANILA, Philippines — Pinalalayas na sa bansa ang Australyanong madre na si Sis. Patricia Fox matapos na ibasura ng Bureau of Immigration (BI) ang hirit nitong mapalawig ang kanyang missionary visa.
Batay sa dalawang pahinang kautusan, partikular na ibinasura ng kawanihan ang kahilingan ng Superior of the Religieuse De Notre Dame De Sion Incorporated, bunsod ng nauna nang deportation order na inilabas ng BI laban sa dayuhang madre.
Paliwanag ni BI Spokesperson Dana Krizia Sandoval na tutuusin, nakapagsilbi na umano si Sis. Fox ng 27 taon sa Pilipinas bilang isang misyonaryo na lagpas na sa nilalaman ng Memorandum of Agreement ng BI at ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na ang mga dayuhang misyonaryo ay maaring manatili sa bansa sa loob lamang ng sampung taon.
Sa loob ng 15 araw ay kinakailangan umanong mag-aplay ang dayuhang madre ng temporary visitor’s visa sa oras na matanggap na niya ang kopya ng nasabing kautusan.
Nabatid na ida-downgrade sa temporary visitors ang visa ni Sis.Fox na mayroon lamang 59-day validity na magsisimula sa expiration ng kanyang missionary visa.
- Latest