Kelot tumalon mula 45th floor, lasog
MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang 44-anyos na lalaki na sinasabing may matinding sakit sa pag-iisip matapos itong tumalon mula sa ika-45 na palapag ng isang high-end condominium sa Taguig City, kamakalawa ng hapon.
Basag ang bungo at lasug-lasog ang katawan ng biktimang kinilala ng pulisya na si Julius Ceasar Quimbao, ng Upper Penthouse, One Mckinley Place Condo, na matatagpuan sa 26th St, Crescent Park, West Bonifacio Global City (BGC), Fort Bonifacio, ng naturang lungsod.
Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente alas-5:20 kamakalawa ng hapon sa Machine Exhaust Area sa ika-45 na palapag ng nabanggit na condominium.
Bigla aniyang tumalon ang biktima mula sa nasabing palapag hanggang lumagapak ito na naging dahilan ng agarang kamatayan nito.
Ayon sa kaanak ng biktima, may sakit aniyang Schizophrenia o chronic and severe mental disorder ang biktima. Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang naturang insidente.
- Latest