9 tiklo sa pagbebenta ng pekeng passport at lisensiya
MANILA, Philippines — Siyam katao ang inaresto ng National Bureau of Investigation-Anti Graft Division dahil sa pagbebenta at paggawa ng mga pekeng passport at lisensya.
Ang mga naaresto ay kinilalang sina Paolo Cabrerao; Dexter de Guzman; Roger Benitez; Arlene dela Cruz; Mary Gloces Trajano; Joshua Pascua; Arjay Mercado; Samuel Dolendo; at Susan de Guzman.
Sa ulat, nagpanggap ang isang ahente ng NBI na bibili ng pasaporte sa halagang P2,500 sa loob ng isang puwesto sa kahabaan ng C. M Recto sa Maynila matapos magreklamo ang Land Transportation Office (LTO) kaugnay sa pamemeke ng drivers license.
Agad ikinasa ang operasyon bitbit ang search warrant na inisyu ng RTC Branch 11, Manila Judge Cicerio Jurado Jr., at dito sinalakay ang lugar at naaresto ang mga suspek.
Nabatid na galing sa mga expired at lumang pasaporte ang mga pahinang pinagdikit-dikit nito upang magmukhang bago at original.
Mahaharap sa kasong falsification of public documents at paglabag sa Philippine passport Act ang mga naaresto.
- Latest