Judges, SC employees kay Sereno: Magbitiw na!
MANILA, Philippines — ‘Chief, it’s time to let go’.
Ito ang hayagang sinisigaw ng mga Supreme Court (SC) justices at mga kawani kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa mismong flag raising kahapon ng umaga.
Isinigaw ng mga empleyado na nagsuot ng pulang t-shirts ang ‘resign now’ para kay Sereno na kung saan ay 9 din na mga associate justices ang namataan na nakibahagi sa aktibidad sa SC grounds sa Padre Faura St., Maynila na kinabibilangan ni SC acting chief Justice Antonio T. Carpio, Associate Justice Teresita J. Leonardo-De Castro, Justice Diosdado M. Peralta, Justice Lucas P. Bersamin, Justice Presbitero J. Velasco, Jr., Justice Francis H. Jardeleza, Justice Samuel R. Martires, Justice Noel G. Tijam at Justice Mariano C. Del Castillo.
Kasabay nang nasabing programa binasa naman ng SC Employees Association (SCEA) president na si Erwin Jocson ang kanilang manifesto na nananawagan kay Sereno na mag-resign na sa pwesto.
Aniya, dapat magsakripisyo umano ang punong mahistrado alang-alang sa ikatatahimik ng hudikatura lalo na ang Supreme Court.
Ayon pa sa manifesto, nabahiran na umano ng masamang imahe ang institusyon dahil sa impeachment proceedings.
Habang binabasa ni Jocson ang nasabing kasulatan, nandoon din sa okasyon si Philippine Judges Association president Judge Felix Reyes upang suportahan ang panawagang magbitiw sa puwesto si Sereno.
Sinasabing liban sa mga kawani ng Supreme Court, nakikiisa rin daw sa resign call laban kay Sereno ang mga miyembro ng Philippine Judges’ Association, Philippine Assembly of Lawyer Employees, Philippine Association of Court Employees, at Sandiganbayan Employees’ Association.
Labis namang ikinalungkot ng kampo ni Sereno ang naturang panawagan dahil sa dinadaan sa hindi umano tamang proseso.
- Latest