PNP chief pinakikilos sa illegal gambling
MANILA, Philippines - Muling nanawagan ang Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) kay Philippine National Police chief Director General Ricardo Marquez na totohanin ang kampanya laban sa illegal gambling partikular sa mga lungsod ng Caloocan at Malabon sa Camanava area.
Ayon kay 4K secretary general Rodel Pineda, pakitang tao lamang ang ginawa ng pulisya sa pagbulabog sa video karera machines at saklaan lalo sa lungsod ng Caloocan dahil namamayagpag ang mas malalang jueteng na may tatlong bola kada araw
Nabatid na noong nakaraang linggo, pinaigting ng bagong Intelligence Unit chief ng Caloocan Police na si Chief Insp. Alfredo Lim ang operasyon laban video karera machines at saklaan, pero “pagpakilala” lamang ito.
Sinabi pa ni Pineda na ikinakatwiran pa umano ng mga kamag-anak ng mataas na opisyal ng lungsod ng Caloocan na para sa umano campaign fund ng tumatakbong presidente ang intelihensiya sa jueteng.
“Kaya dapat nang kumilos si Marquez at maging si DILG secretary (Sennen) Sarmiento para matigil na ang lantarang illegal gambling sa buong Camanava.” wika ni Pineda.
- Latest