PHL 3x3 team babawiin ang gold sa SEA Games
MANILA, Philippines — Bukod sa Gilas Pilipinas 5-on-5 team ay misyon din ng 3-on-3 squad na mabawi ang korona sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa Mayo 5-17.
Babanderahan nina PBA 3x3 scorer Almond Vosotros at naturalized big man Ange Kouame ang 10-man national pool na maghahangad na muling maisuot ang SEA Games 3x3 crown.
Sina Vosotros at Kouame ay bahagi ng listahan na isinumite ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa Philippine Olympic Committee (POC) para sa biennial event.
Sa Vietnam edition ng SEA Games ay nabigo sina Brandon Ganuelas-Rosser, Marvin Hayes, Reymar Caduyac at Jorey Napoles na maidepensa ang 3x3 gold medal nang makuntento sa bronze.
Bukod kina Vosotros at Kouame, nasa national pool din sina Napoles, Samboy De Leon, Lervin Flores, Joseph Eriobu, Alfred Batino, Jeff Manday, Joseph Sedurifa at Brandon Bates.
Si Lester Del Rosario ang hahawak sa national 3x3 team para sa Cambodia SEA Games.
- Latest