Bolts humirit sa Game 2
MANILA, Philippines — Kagaya ng inaasahan, rumesbak ang Meralco para itabla ang kanilang duwelo ng TNT Tropang Giga.
Nagsumite si import KJ McDaniels ng 39 points, 20 rebounds, 4 assists at 3 blocks sa 124-117 overtime win ng Bolts sa Tropang Giga sa Game Two ng 2023 PBA Governors’ Cup semifinals series kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Iniskor naman ni Aaron Black ang anim sa kanyang 28 markers sa extra period para ibangon ang Meralco mula sa naunang 80-110 kabiguan sa TNT sa Game One ng kanilang best-of-five semis showdown.
“Strategy-wise, we just wanted to get back on defense that is something we did poorly in Game One,” sabi ni Bolts’ coach Norman Black. “We thought if we can get back on defense we can defend them.”
Bumalikwas si McDaniels mula sa 12-point performance sa series opener.
Nag-ambag naman si Cliff Hodge ng 15 points.
Binanderahan ni Mikey Williams ang Tropang Giga sa kanyang 29 points kasama ang anim na triples.
Bumangon ang TNT mula sa 12-point deficit, 47-59, bago ang halftime para tumabla sa 112-112 sa huling 7.6 segundo ng fourth quarter mula sa isang free throw ni Hollis-Jefferson patungo sa overtime.
Sa extension ay bumida naman sina Black at Hodge para sa 122-114 bentahe ng Bolts sa Tropang Giga sa huling 2:11 minuto nito.
Ang slam dunk ni McDaniels sa huling 10 segundo ang sumelyo sa panalo ng Bolts.
- Latest