Time For Glory nagpakain ng alikabok
MANILA, Philippines — Nagpakitang-gilas ang kabayong Time For Glory matapos manalo sa Golden Girl’s Stakes Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas noong Linggo.
Nanood ang Time For Glory ng bakbakan sa unahan ng Mommy Caring at Raintree Starlet mula sa malayong tersero.
Nang masigurong pagod na ang dalawang naglulutsahan sa unahan ay sinimulan na ni jockey Mark Angelo Alvarez ang pag-atake ng Time For Glory.
Umusad papalapit sa unahan ang Time For Glory habang pumapasok sa huling kurbada at pagsapit ng rektahan ay kuha na ng winning horse ang bandera.
Nanalo ang Time For Glory na may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang Raintree Starlet.
Inirehistro ng Time For Glory ang tiyempong 1:38 minuto sa 1,600 meter race sapat upang sikwatin ang premyong P300,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nasilo ng second placer na Raintree Starlet ang P112,500, tersero ang Downsideprotection na sumungkit ng P62,500 at ikaapat ang Mommy Caring na nagbulsa ng P25,000.
- Latest