Weightlifting kukuha ng Chinese coach
MANILA, Philippines — Muling kukuha ng isang Chinese coach ang Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) para sa kanilang programa patungo sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.
Pinayagan na ito ni dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez, ayon kay SWP president Monico Puentevella.
Matatandaang bumalik na sa China si coach Gao Kaiwen matapos tulungan si Hidilyn Diaz na mabuhat ang kauna-unahang gold medal ng Pilipinas sa Olympics noong nakaraang taon sa Tokyo, Japan.
Ang asawa ni Diaz na si Julius Naranjo ang sumalo sa trabaho ni Gao.
“Si Hidilyn kasi will only be with (coach) Julius Naranjo, kaya wala na siyang Chinese coach,” wika ni Puentevella. “So ako kukuha ng bagong Chinese coach na tutulong sa national team.”
Ngunit bagong PSC Board ang haharap kay Puentevella.
“Iyan ang problema ko kasi hindi pa natin alam kung sino ang bagong PSC chairman. Maski in-approve iyan titingnan muna ang budget kung may natirang pera pa diyan kung puwede,” wika ng weightlifting chief.
Ang mga hahawakan ng makukuhang Chinese coach ng SWP ay sina Asian at Southeast Asian Games gold medalists Vanessa Sarno, SEA Games gold winner Kristel Macrohon, Elreen Ando, Mary Flor Diaz, magkapatid na Rose Jean at Rosegie Ramos, Rosalindo Faustino at Angeline Colonia.
Sila ang mga inaasahang susunod sa yapak ng 31-anyos na si Diaz sakaling magretiro na ito matapos ang 2024 Paris Olympics.
Samantala, plano ng SWP na mag-bid para sa hosting ng 2023 International Weightlifting Federation (IWF) Youth and Junior World Championships.
- Latest