Gilas Girls kinana ang tanso sa FIBA U16

MANILA, Philippines — Naiuwi ng Gilas Pilipinas girls ang bronze medal matapos ang 90-68 panalo kontra sa Lebanon sa pagtatapos ng 2022 FIBA U16 Asia Women’s Championships Division B sa Amman, Jordan.

Tig-20 points ang pinakawalan nina Gabby Ramos at Kristan Yumul upang giyahan ang 32-point win ng mga Pinay teens matapos kapusin sa semifinals kontra Samoa.

Tumikada rin ng 16 points at 9 rebounds si Naomi Panganiban para sa Nationals na ginabayan nina coaches Brian Rosario at Julie Amos.

Pambawi ito ng Gilas sa masaklap na 73-88 kabiguan sa Samoa na nagwakas sa kanilang hangaring ma-promote sa Division A.

Tanging ang kampeon ng eight-team Division B ang makakapasok sa Division A tampok ang Australia, Japan, South Korea, New Zealand at India.

Samantala, kampeon sa Division A ang Australia matapos maitakas ang 59-58 panalo kontra sa Japan sa finals.

Pumangatlo ang South Korea nang daigin ang New Zealand, 78-59, sa bronze medal match at pumanglima ang India.

 

Show comments