Blackwater tumabla sa GSM sa 2nd place

MANILA, Philippines — Nagsilbing tinik si Ba­ser Amer ng kanyang da­ting koponang Meralco.

Isang jumper ang ipinasok ni Amer sa huling 1.7 segundo para ilusot ang Blackwater Bossing laban sa Bolts, 90-89, sa PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Tumapos si Amer na may 6 points mula sa malamyang 3-of-11 fieldgoal shooting sa ikatlong dikit na arangkada ng Blackwater para sa 4-1 record katabla ang Barangay Ginebra sa No. 2 spot.

Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng Meralco para sa 3-3 marka.

“They led in the beginning. We caught up. We led two times by double digits. We caught up,” ani coach Ariel Vanguardia sa tropa ni Norman Black. “They are very disciplined and they are very hard to stop. It came down to the last possession.”

Umiskor sina JVee Casio at rookie Ato Ular ng tig-19 points para sa Bossing at may 15 at 12 markers sina Rey Suerte at Rashwan McCarthy, ayon sa pagkakasunod.

Kumolekta si Chris Newsome ng 23 points, 6 rebounds at 6 assists sa panig ng Bolts na nakahugot kay Bong Quinto ng 18 markers tampok ang dalawang triples sa dulo ng final canto.

Nakabangon ang Meralco mula sa 73-83 pagkakabaon sa 5:28 minuto ng fourth period para agawin ang 89-88 abante sa huling 6.5 segundo mula sa stepback jumper ni Newsome.

Tinangay ng Bolts ang 30-17 kalamangan bago magsara ang first period habang nakabangon ang Bossing para ilista ang 11-point lead, 67-56, mula sa triple at drive ni No. 1 overall pick Brandon Ganuelas-Rosser sa 4:20 minuto ng third quarter.

Show comments