MANILA, Philippines — Tiwala si coach Nenad Vucinic na kayang masilat ng Gilas Pilipinas ang host na New Zealand sa kanilang bakbakan para sa third window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Eventfinda Stadium sa Auckland.
Sasagupain ng Gilas (1-1) ang New Zealand (3-0) ngayong alas-3:30 ng hapon (Manila time) sa Group A bago umuwi sa bansa para naman maghanda sa laban kotra India (0-3) sa Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“We can beat New Zealand. We can beat India,” ani Vucinic na gagabay sa Gilas matapos magsilbing timon sa dalawang tune-up games kontra South Korea noong nakaraang linggo.
“We have to play very well though, to beat them, especially against New Zealand,” dagdag nito.
Yumukod ang Nationals sa New Zealand, 63-88, sa second window sa Smart Araneta Coliseum noong Pebrero.
At bagama’t hindi magiging madali ang misyon ngayon dahil sa undermanned at undersized 11-man roster sa pangunguna ni Kiefer Ravena, umaasa si Vucinic sa potensyal na ipapamalas ng bagitong koponan.
Makakasama ni Ravena sa Gilas team sina RJ Abarrientos, SJ Belangel, Rhenz Abando, Geo Chiu, Lebron Lopez, William Navarro, Kevin Quiambao, Dwight Ramos, Carl Tamayo at Dave Ildefonso.
Wala si naturalized player Ange Kouame dahil sa injuries (meniscal sprain at partial ACL tear).
“We’ve got a young team here and it’s up to them to prove that they can play at that level and that they can play important games like these two qualifying games,” ani Vucinic.
Naglaro ng professional basketball ang Serbian-New Zealand na si Vucinic sa New Zealand at hinawakan ang natio-nal team nito bilang head coach simula 2006 hanggang 2014.