Purefoods hari ng Leg 6 ng PBA 3x3
MANILA, Philippines — Umiskor si Joseph Eriobu ng 11 points para tulungan ang Purefoods TJ Titans sa 20-16 pagdaig sa TNT Tropang Giga sa finals ng Leg 6 ng PBA 3x3 Third Conference kahapon sa Robinsons Place sa Ermita, Manila.
Nagdagdag si Jed Mendoza ng 4 points habang may 3 at 2 markers sina Jun Bonsubre at Marvin Hayes, ayon sa pagkakasunod.
Inangkin nina Eriobu, Mendoza, Bonsubre at Hayes ng TJ Titans ang premyong P100,000 habang nakuntento sina Almond Vosotros, Samboy De Leon, Lervin Flores at Ping Exciminiano sa P50,000 bilang runner-up.
Ang two-point shot ni Mendoza ang kaagad nagbigay sa TJ Titans ng 8-2 abante sa 7:31 minuto ng labanan bago isalpak ni Hayes ang isang layup para iwanan ang TNT sa 15-8 sa huling 3:04 minuto.
Para umusad sa championship game ay tinalo ng Purefoods ang Meralco, 19-17, sa semis habang umiskor ang TNT ng 18-16 panalo sa Limitless Appmasters.
Samantala, inangkin ng Meralco ang third place matapos itakas ang 18-17 panalo kontra sa Limitless Appmasters.
Isinalpak ni Dexter Maiquez ang game-winning fallaway jumper sa huling pitong segundo para makuha ng Bolts ang premyong P30,000.
- Latest