Team Philippines maningning na uuwi ng Pilipinas
52 ginto nasikwat
MANILA, Philippines — Isinara ng Team Philippines ang kampanya nito tangan ang maningning na 52 gintong medalyang nahakot sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Nagtapos sa ikaapat na puwesto ang Pilipinas bitbit ang kabuuang 52 ginto, 70 pilak at 104 tansong medalya.
Gaya ng inaasahan, nanguna ang host Vietnam na may 205 ginto, 125 pilak at 116 tanso habang pumangalawa ang Thailand na may 92-103-136 at ikatlo ang Indonesia na may 69-91-81.
Pinakamaningning ang gymnastics na humakot ng pitong ginto, apat na pilak at tatlong tansong medalya.
Walang iba kundi si world champion Carlos Edriel Yulo ang bumandera sa kampanya ng Pinoy gymnasts nang sumikwat ito ng limang ginto at dalawang pilak na medalya.
Pinagharian ni Yulo ang men’s individual all-around, floor exercise, rings, vault at horizontal bar habang nakapilak ito sa parallel bars at bahagi ng silver-medal team sa all-around.
Pareho namang nag-ambag ng limang ginto ang athletics at dancesport samantalang may apat na ginto ang billiards at tatlo naman galing sa boxing.
Nakakuha ng tigdalawa ang wushu, weightlifting, triathlon, taekwondo, muay thai, kickboxing, jujitsu, judo, Esports at bowling habang tig-iisa naman ang archery, basketball (women’s), duathlon, fencing, kurash, pencak silat, swimming at tennis.
Pinakamalaking upset na tinamo ng Pilipinas ang kabiguan ng Gilas Pilipinas na madepensahan ang titulo.
Nagulantang ang lahat nang yumuko ang Pilipinas sa Indonesia, 81-85, sa huling laro nito upang magkasya ang Pinoy cagers sa silver medal.
- Latest