Rosser magiging top pick sa PBA Draft
MANILA, Philippines — Hihiling ang 66 na aplikante ngayon na matupad ang kanilang mga professional basketball dreams sa misyong matawag ang pangalan sa 2022 PBA Rookie Draft sa Robinsons Place sa Ermita, Manila.
Bagama’t nasa Hanoi, Vietnam para sa kampanya ng Gilas Pilipinas 3x3 sa 31st Southeast Asian Games ay inaasahang maging top pick si Fil-Am big man Brandon Ganuelas-Rosser, kapatid ni TNT Tropang Giga cager Matt.
Namumuro ring mapili sina Draft Combine MVP Encho Serrano, Justin Arana at Fil-Am Jeremiah Gray na nagpapagaling mula sa ACL injury na natamo sa PBA 3x3 First Conference.
Inaabangan din sa first round sina collegiate aces Tyrus Hill at Kurt Lojera, JM Calma, Jeo Ambohot, Tyler Tio at Gian Mamuyac.
Bahagyang bumabaw ang PBA draft dahil sa pag-atras ni top prospect Justine Baltazar ng La Salle upang maglaro sa Japan B. League.
Naging ineligible naman si Fil-Am Sedrick Barefield na hindi umabot sa deadline ang pagpasa ng requirement na Philippine passport.
Blackwater ang unang pipili sa 66 draftees kasunod ang Terrafirma (No. 2), Converge (No. 3 at No. 4), Rain or Shine (No. 5) at NLEX (No. 6 at No. 7). Susunod sa kanila ang Ginebra (No. 8), Blackwater (No. 9), Rain or Shine ( No. 10), Blackwater (No. 11) at Magnolia (No. 12).
- Latest