Lady Maroons nakaiwas sa Tigresses
MANILA, Philippines — Pinahaba ng University of the Philippines Lady Maroons ang kanilang winning streak sa tatlo matapos nilang katayin ang Univeristy of Santo Tomas Golden Tigresses, 25-21, 23-25, 25-21, 25-22 sa UAAP Season 84 women’s volleyball tournament kahapon na ginanap sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Humugot ng puwersa ang Lady Maroons kay Jewel Encarnacion na umukit ng 16 points kasama ang 13 kills, dalawang service aces at isang block upang tulungan ang koponan na ilista ang malinis na tatlong panalo at manatili sa tuktok ng team standings.
Bumakas naman si Alyssa Bertolano ng 15 markers at 11 digs sa panalo ng UP.
Kinapitan naman ng Tigresses si team captain Eya Laure upang makasagot ng panalo sa second set, subalit hindi nagpabaya ang Lady Maroons sa third set kaya nakuha nila ang panalo.
“They played their hearts out, It was not an easy game. UST is a very, very strong team”. ani UP head coach Godfrey Okumu.
Sa ikalawang laro, inangkin din ng National University Lady Bulldogs ang ika-3 panalomatapos igupo ang De La Salle University Lady Spikers, 25-22, 25-15, 25-19.
- Latest