Azkals, handball team wagi sa SEAG
MANILA, Philippines — Kumana ng magkahiwalay na panalo ang beach handball team at ang Azkals para matikas na simulan ang kampanya ng Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games na ginaganap sa Hanoi, Vietnam.
Ariba ang Azkals matapos pakainin ng alikabok ang Timor Leste, 4-0, sa Group A ng men’s football preliminary round.
“It’s always going to be difficult going into the tournament because we don’t know exactly where we are as a team, but everyone showed a lot of commitment and discipline. The boys did very well,” ani Azkals team captain Stephan Schrock.
Makakalaban ng Azkals sa susunod na laro ang Vietnam sa Linggo kasunod ang Myanmar sa Mayo 10 at Indonesia sa Mayo 13.
Ang dalawang mangungunang koponan sa bawat grupo ang aabante sa crossover semifinals.
Sa kabilang banda, wagi rin ang Pinoy squad matapos itarak ang 18-16, 18-16 panalo laban sa Thailand sa beach handball na ginaganap sa Bac Ninh Sports University Gymnasium.
Ito ang nagsilbing matamis na pagresbak ng ng Pilipinas sa Thailand matapos lumasap ng Pinoys ng 2-0 kabiguan sa Thais sa 2019 edisyon ng SEA Games na ginanap sa Subic.
Silver medalist ang Thailand habang bronze winner ang Pilipinas noong Manila Games.
Binubuo ang tropa nina Daryoush Zandi, Dhane Miguelle Varela, Josef Maximillan Valdez, Rey Joshua Tabuzo, John Michael Pasco, Jamael Pangandaman, Manuel Lasangue Jr., Andrew Michael Harris, Mark Vincent Dubouzet at Van Jacob Baccay.
Muling daraan sa pagsubok ang Pilipinas dahil makakasagupa nito ang powerhouse Vietnam ngayon sa alas-6 ng gabi. (Manila time).
- Latest