Game 6 ng Gin kings, Bolts mas pisikal
MANILA, Philippines — Inaasahang mas magiging pisikal ang upakan ng nagdedepensang Barangay Ginebra at Meralco matapos mabalam ang kanilang bakbakan sa Game Six ng PBA Governors’ Cup Finals noong Miyerkules.
Nakapagpahinga pa kasi ng dalawang araw ang mga Gin Kings at Bolts dahil sa nangyaring insidente sa Smart Araneta Coliseum.
Bitbit ang 3-2 lead sa kanilang best-of-seven championship series, lalabanan ng Ginebra ang Meralco ngayong alas-6 ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City.
Matapos kunin ng Bolts ang Game Three, 83-74, ay inangkin ng Gin Kings ang Game Four, 95-84, at Game Five, 115-110, na kapwa pinagbidahan nina Best Import Justin Brownlee at Best Player of the Conference Scottie Thompson.
Inilapit ng Ginebra ang kanilang sarili para sa pang-14 PBA championship matapos pagharian ang 2020 Philippine Cup sa Clark bubble.
Hangad naman ni two-time PBA Grand Slam champion Tim Cone ang kanyang PBA record na ika-24 korona bilang head coach.
Determinado ang Meralco na makatabla para makahirit ng Game Seven sa Linggo na lalaruin sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
- Latest