Ancajas balik-ensayo sa Mayo
MANILA, Philippines — Target ni dating world champion Jerwin Ancajas na magbalik-aksyon sa Mayo matapos itong mahubaran ng International Boxing Federation (IBF) super flyweight crown noong nakaraang buwan.
Sa pagkakataong ito, makakasama ni Ancajas sa training camp si Memo Heredia upang masiguro na nasa perpektong kundisyon ito bago sumabak sa laban.
Matatandaang nahubaran ng korona si Ancajas nang lumasap ito ng unanimous decision loss kay Fernando Martinez sa labang ginanap sa Las Vegas, Nevada,
Mahina si Ancajas sa naturang laban dahil nahirapan itong makuha ang perpektong timbang ilang araw bago ang salpukan.
Kaya naman ayaw na ng kampo ni Ancajas na maulit ito.
Tututukan ni Heredia ang conditioning at nutrition program ni Ancajas na isa sa mga nakita nitong sumablay sa nakalipas na laban ng Pinoy champion.
“Just a little changes on his conditioning and nutrition,” ani Heredia.
Maliban kay Ancajas, hahawakan din ni Heredia ang training program nina Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Marcial at bantamweight fighter Jonas Sultan.
Ilan sa mga hinawakan nito sina Mexican legend Juan Manuel Marquez at Yordenis Ugas.
- Latest