Ramos hinirang na MVP ng WC Asian Qualifiers
MANILA, Philippines — Kinilala ng International Basketball Federation (FIBA) bilang MVP si Dwight Ramos ng Gilas Pilipinas matapos pangunahan ang koponan sa Manila qualifiers ng 2023 FIBA World Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Kumpletong 17.5 points, 7.0 assists, 2.5 assists, 2.0 steals at 1.5 blocks ang inilista ni Ramos sa dalawang laban ng Gilas na nagtapos sa 1-1 kartada sa Group A papasok sa susunod na window sa Hunyo.
Kumamada si Ramos ng team-high na 17 points, 4 rebounds, 3 assists at 1 steal sa 88-64 panalo ng Gilas kontra India bago kumana ng 18 markers, 10 boards, 2 assists, 3 steals at 3 blocks sa 88-63 kabiguan nila kontra New Zealand.
Nagpasiklab din para sa Gilas si Thirdy Ravena sa nirehistrong 19.0 points, 3.0 rebounds at 3.5 assists subalit mas kumpleto ang ipinamalas na numero ni Ramos.
“This was a tight race between Ramos and Ravena. Ramos gets the nod here for being a tiny bit more well-rounded, but no one would be angry with going the other way,” wika ng FIBA. “Still at just 23, Ramos has continued to look like a sure-fire star and fans are hoping to see more performances from him.”
Bitbit ang magandang performance, kapwa hahangarin nina Ramos at Ravena na maduplika ito sa kanilang pagbabalik sa Japan B. League ngayong araw.
Sa parehong alas-6:05 ng gabing laban sasalang si Ramos at ang Toyama Grouses(16-22) kontra sa Osaka habang makikipag-sagupa si Ravena at ang San-en NeoPhoenix (5-30) kontra sa Nagoya ni Ray Parks Jr.
- Latest