Morant pinasiklaban ang Spurs
MEMPHIS, Tenn. — Nagpasabog si guard Ja Morant ng career-high na 52 points kasama ang dakdak kay seven-footer Jakob Poeltl sa second period para igiya ang Grizzlies sa 118-105 panalo sa San Antonio Spurs.
Nagdagdag si De’Anthony Melton ng 15 points para sa Memphis (43-20) na nasa No. 3 sa Western Conference sa ilalim ng Golden State Warriors (43-18) at NBA-leading Phoenix Suns (49-12).
Pinamunuan ni Lonnie Walker IV ang San Antonio (24-38) sa kanyang 22 points at nagtala si Dejounte Murray ng 21 points at 8 assists.
Inilista ng Grizzlies ang 13-point lead sa kaagahan ng fourth quarter bago nakalapit ang Spurs sa 99-104 agwat sa kalagitnaan nito.
Humataw naman si Morant ng 13 sunod na puntos para akayin sa panalo ang Memphis.
Sa Miami, umiskor sina Gabe Vincent at Tyler Herro ng tig-20 points sa 112-99 pagpapabagsak ng Eastern Conference leading-Heat (41-21) sa Chicago Bulls (39-23).
Nag-ambag sina Jimmy Butler at Bam Adebayo ng tig-15 points para sa Miami habang iniskor ni Max Strus ang lahat ng kanyang 13 markers sa fourth quarter.
Sa Milwaukee, humakot si Giannis Antetokounmpo ng 26 points at 16 rebounds sa 130-106 demolisyon ng nagdedepensang Bucks (36-25) sa Charlotte Hornets (30-32).
Sa iba pang laro, wagi ang Minnesota Timberwolves sa Cleveland Cavaliers, 127-122; binigo ng Orlando Magic ang Indiana Pacers, 119-103; tinalo ng Toronto Raptors ang Brooklyn Nets, 133-97; at pinadapa ng Sacramento Kings ang Oklahoma City Thunder, 131-110.
- Latest