Ancajas sasalang sa Pebrero
MANILA, Philippines — Haharap muna sina reigning International Boxing Federation (IBF) king Jerwin Ancajas at World Boxing Organization (WBO) junior bantamweight champion Kazuto Ioka sa magkakaibang kalaban matapos maudlot ang kanila sanang duwelo sa Disyembre 31.
Ilang challengers na ang lumutang para makasagupa ni Ancajas sa kanyang title defense.
Nangunguna na sa listahan si No. 13 contender Fernando Martinez ng Argentina sa posibleng makasagupa nito.
Puntirya itong ganapin sa Pebrero 5 na posibleng idaos na lamang sa Amerika para walang masyadong aberya sa venue.
Kasalukuyang nasa Amerika si Ancajas kasama ang kanyang team gaya ni trainer/ manager Joven Jimenez.
Malapit lamang ang Argentina sa Amerika kaya’t mas magiging mabilis ang pagpunta ni Martinez doon sa oras na maikasa na ang laban.
Sa kabilang banda, haharapin na lamang ni Ioka ang kababayan nitong si Ryoji Fukunaga na No. 8 contender sa kanilang dibisyon.
Idaraos ang naturang laban sa Disyembre 31.
Matatandaang nakansela ang unification fight sana nina Ancajas at Ioka sa Disyembre 31 sa Tokyo dahil sa banta ng Omicron variant ng coronavirus disease (COVID-19) sa Japan.
Sa kabila nito, umaasa pa rin ang kampo ni Ancajas na matutuloy ang laban nito kay Ioka sa susunod na taon sa oras na maging maayos na ang sitwasyon sa pandemya.
- Latest