Jackson nalambat ng RoS sa Meralco kapalit ni Johnson
MANILA, Philippines — Pinatibay ng Rain or Shine ang kanilang backcourt matapos makuha si Fil-Am guard Trevis Jackson mula sa Meralco kapalit ni rookie Franky Johnson bago ang paghataw ng 2021 Governors’ Cup sa Disyembre 8 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Si Jackson, ang No. 5 overall noong 2018 PBA Rookie Draft, ay nakita sa aksyon sa pagharap ng Bolts sa karibal na Ginebra noong 2019 Governors’ Cup Finals na pinagwagian ng Gin Kings.
Pinasalamatan ng Meralco management ang 26-anyos na tubong Santa Monica, California.
“He is a good teammate, and we thank him for giving his time and effort to Meralco,” wika ni Bolts team manager Paolo Trillo.
Makakasama ni Jackson sa backcourt ng Elasto Painters sina Rey Nambatac at Gabe Norwood para sa kanilang pagsalang sa 2021 Governors’ Cup.
Naglaro naman si Johnson, ang No. 17 overall pick noong 2020 PBA Draft, para sa Rain or Shine sa nakaraang 2021 PBA Philippine Cup sa semi-bubble sa Bacolor, Pampanga.
Isinama siya ng Elasto Painters para sa kanilang 3x3 team bago idinagdag sa 5x5 squad sa All-Filipino conference.
Si balik-import Henry Walker ang kinuha ng Rain or Shine para sa kanilang kampanya sa 2021 Governors’ Cup at ang baguhang si Panamanian Tony Bishop ang ibabandera ng Meralco.
- Latest