Masaya ang Pasko ni Biado
MANILA, Philippines — Nasungkit ni dating World 9-Ball champion Carlo Biado ang kampeonato sa Abu Dhabi Open 9-Ball Championship kahapon sa Power Break Billiard Hall sa United Arab Emirates.
Inilabas ni Biado ang malalim nitong karanasan upang patumbahin ang kababayang si Jordan Banares sa pamamagitan ng 13-6 panalo sa all-Filipino championship showdown.
Magiging masaya ang Pasko ni Biado dahil napasakamay nito ang AED 20,000 o katumbas ng mahigit P270,000 na premyo. .“Maagang Christmas gift ito,” ani Biado.
Nagkasya naman si Banares sa AED 10,000 (mahigit P130,000).
Kabilang sa mga tinalo ni Biado ay sina Mohamad Eiljeffrey sa first round (9-0), Arnel Bautista sa se-cond (9-7), Venancio Tanio sa third (11-4), Ronald Garcia sa quarterfinals (11-5) at Harry Vergara sa semifinals (11-8).
Ito ang ikatlong korona ni Biado sa taong ito.
Noong Setyembre, gumawa ng ingay si Biado nang pagharian nito ang prestihiyosong US Open 9-Ball Championship sa Atlantic City, New Jersey para maibulsa ang $50,000 papremyo o P2.5 milyong top prize.
- Latest