Creamline 2-0 na rin
MANILA, Philippines — Nasawata ng Creamline ang mainit na kamada ng PetroGazz, 24-26, 28-26, 25-22, 25-20, para masungkit ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kahapon sa PCV Socio-Civic Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Bagama’t naisahan sa first set, hindi agad nawalan ng pag-asa ang Cool Smashers na na-ging matatag sa huling tatlong sets para pigilan ang PetroGazz.
Dahil sa panalo, sumosyo ang Creamline sa unahan ng standings sa Chery Tiggo sa parehong malinis na 2-0 baraha.
Naging matibay na sandalan ng Creamline si three-time UAAP MVP Alyssa Valdez gayundin si veteran playmaker Jia Morado.
Subalit nakakuha ng solidong suporta ang Cool Smashers kay Tots Carlos na nagbigay ng mga importanteng puntos sa mga krusyal na sandali ng laro.
“Sabi nga ni coach, Tots naman always ready when we train naman, alam niya din role niya as early as now alam niya lagi dapat handa. It’s very professional of her ganun ang mentality niya,” ani Valdez.
Nahulog sa 1-1 marka ang Gazz Angels para samahan ang Sta. Lucia Realtors.
Magpapatuloy ang aksiyon ngayon tampok ang duwelo ng Cignal at Sta. Lucia sa alas-3 ng hapon at ng Choco Mucho at PLDT Home Fibr sa alas-6 ng gabi.
- Latest