Makalaro kaya si Kai Sotto?
MANILA, Philippines — Gusto ni Gilas Pilipinas coach Jong Uichico na makalaro si Kai Sotto sa FIBA Asia Cup Qualifiers (ACQ) na lalarga sa Hunyo 16-20 sa Clark, Pampanga.
Alam ni Uichico ang kapasidad ng 7-foot-3 Pinoy cager dahil nasilayan na niya ito noong Pebrero sa training camp. Dahil sa talino sa paglalaro, mabilis na naiintindihan ni Sotto ang mga sinasabi sa kanya ng coaching staff.
Magiging problema lamang ang chemistry nito sa team dahil ilang buwan nang magkakasamang nagsasanay ang Gilas Pilipinas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna habang siya ay nasa Amerika pa.
Isa pang pangunahing problema ang quarantine protocols dahil kailangan nitong makumpleto ang 14-days quarantine period at maglabas ng negatibong swab test bago makalabas at makasama ang team.
“Kai is serving his quarantine protocols. Siyempre, inaasam natin na makakalaro siya, but it is not under our control,” ani Uichico sa panayam ng Bull by the Horn.
Malaking tulong sana si Sotto dahil sa tangkad nito na maaaring maging katuwang ni naturalized player Angelo Kouame na may taas na 6-foot-11.
“Having two seven-footers is a luxury and sometimes a necessity, especially tayo. Maliliit tayo. But we have to consider the adjustment because he just arrived. Last time he was here, he was able to pick up quickly. But another question is ‘yung chemistry,” ani Uichico.
Magandang pagkakataon para kay Sotto ang FIBA ACQ upang mapanood ang sistema ng Gilas Pilipinas sa loob ng court kaya’t asahan na nasa bench ito ng tropa sa kanilang laban. Sakaling hindi makalaro si Sotto sa FIBA ACQ, siguradong masisilayan ito sa aksiyon sa FIBA Olympic Qualifiying Tournament na idaraos sa Hunyo 29-Hulyo 4 sa Belgrade, Serbia.
“Even if they do not play together, magiging maganda ‘yung palitan nila. It will be a luxury if we have two seven-footers in our lineup whether if it’s for the Asia Cup Qualifiers or the OQT,” ani Uichico.
- Latest