Philippine karatekas sasalang na sa Olympic qualifying
MANILA, Philippines — Napilitan ang national karatedo team na maagang tapusin ang kanilang training camp sa Istanbul, Turkey dahil sa bagong paghihigpit ng France ukol sa coronavirus disease (COVID-19).
Imbes na sa Hunyo 7 ay bibiyahe ngayon sina national karatekas Jamie Lim, Fil-Am Joane Orbon, Ivan Agustin, Shariff Afif, Joco Vasquez, Sarah Pangilinan at Jason Macaalay patungong Paris, France sa pagsabak sa pinakahuling qualifying tournament para sa 2021 Olympic Games.
“Supposed to be naka-book kami ng June 7 papuntang France, iyon talaga ang plano,” sabi ni Karate Pilipinas president Richard Lim sa panayam ng PTV Sports.
“Kaso nga sinabi ng French Government na kailangan kaming dumating ng mas maaga dahil we have to fulfill the 10-day quarantine,” dagdag pa nito sa Olympic qualifying na nakatakda sa Hunyo 11-13.
Makakasama rin ng grupo sa France si 2019 SEA Games gold medal winner Fil-Japanese Junna Tsukii na sumipa ng gold medal sa female kumite -50 kilogram division ng nakaraang World Karate Federation (WKF) Premier League sa Lisbon, Portugal.
Ang top three karatekas sa bawat weight category ang magku-qualify sa 2021 Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Tokyo, Japan.
- Latest