Pagkakataon na ni Didal
MANILA, Philippines — Sasabak si national skateboarder Margielyn Didal sa dalawang qualifying tournaments sa ha-ngaring makapagbulsa ng tiket sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Nagtungo ang 21-anyos na si Didal sa United States para lumahok sa Iowa Dew Tour sa Des Moines sa Mayo 7 hanggang 23.
Kasalukuyang hawak ng Cebuana skater ang No. 14 seat sa world rankings kung saan ang Top 20 ang bibigyan ng silya para sa 2021 Tokyo Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
Ilan pang pocket tournaments ang sasalihan ni Didal sa California kasama ang isa pang Olympic hopeful na si Kiko Francisco.
Matapos ang Iowa Dew Tour ay maglalaro naman si Didal, ang 2019 Southeast Asian Games double-gold medalist, sa Street World Cham-pionship 2021 sa Mayo 30 hanggang Hunyo 6 sa Rome, Italy.
Sakaling pumuwesto ang 2018 Asian Games gold medal winner sa Top Three ng nasabing torneo ay ganap na niyang masisikwat ang inaasam na Olympic berth.
Kung mamalasin naman siya ay kailangan niyang mapanatili o mapataas ang kanyang pagiging No. 14 sa world rankings.
Umaasa si Didal na siya ang magiging pang-walong Olympic qualifier ng bansa matapos sina weightlifter Hidilyn Diaz, gymnast Carlos Edriel Yulo, pole vaulter Ernest John Obiena at boxers Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.
- Latest