Giannis umangat sa career scoring list
MILWAUKEE — Umakyat si Giannis Antetokounmpo sa second place sa career scoring list ng Bucks at tinulungang patumbahin ang Philadelphia 76ers, 132-94.
Humakot si Anteto-kounmpo ng 24 points, 14 rebounds at 7 assists sa pagpapalasap ng Milwaukee (37-22) sa Philadelphia (39-21) ng ikaapat na sunod na kabiguan.
Naglaro ang 76ers na wala sina All-Stars Joel Embiid (sore right shoulder) at Ben Simmons (unspecified illness).
Ang dunk ni Antetokounmpo, ang reigning two-time MVP, ang nag-angat sa kanya kay Glenn Robinson para maging second-leading career scorer ng Bucks sa career total na 12,023 points.
Matapos makalapit ang Philadelphia sa third period, 54-55 ay bumandera naman si Anteto-kounmpo sa 15-0 atake ng Milwaukee para itayo ang 75-57 bentahe.
Sa Salt Lake City, humataw si Karl-Anthony Towns ng 24 points at 12 rebounds sa 101-96 paggulat ng Minnesota Timberwolves (17-44) sa Utah Jazz (44-16).
Sa Dallas, nagtala si Luka Doncic ng 18 points at 13 assists at may season-high 25 points si Dwight Powell para igiya ang Mavericks (33-26) sa 108-93 panalo sa nade-depensang Los Angeles Lakers (35-25).
Sa Denver, nagtala si Michael Porter, Jr. ng 39 markers sa 129-116 pagdomina ng Nuggets (39-21) sa Houston (15-46).
Sa Miami, nagsalpak si Duncan Robinson ng pitong 3-pointers sa kanyang kabuuang 23 puntos sa 106-101 pagsunog ng Heat (32-29) Chicago (25-35).
Sa New York, kumolekta si Julius Randle ng 31 points at 10 boards sa 120-103 paggupo ng Knicks (34-27) sa Toronto Raptors (25-35).
- Latest