May alas si Yulo para sa Olympic gold
MANILA, Philippines — Pinaplantsa na ni world champion Carlos Edriel Yulo ang magiging alas nito para masungkit ang gintong medalya sa Tokyo Olympics na papalo sa Hulyo 23.
Ayon kay Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion, hinahasa ni Yulo ang magiging performance nito sa men’s floor exercise.
Partikular na tinukoy ni Carrion ang triple backflip na naging armas nito upang masungkit ang gintong medalya noong 2019 FIG World Championships sa Stuttgart, Germany. “If he does the triple backflip well, it’s a sure gold,” aniya.
Isa sa itinuturing ni Carrion na magiging matinding kalaban ni Yulo ay ang Russian world champion na si Nikita Nagornyy na tinalo nito noong 2019 world meet.
Bigo si Nagornyy na makumpleto ang malinis na triple backflip dahilan para mahulog lamang ito sa ikaanim na puwesto.
“Nagornyy faltered (in that triple backflip) that opened the door for Caloy to win the gold,” ani Carrion.
Bihira ang torneong nilalahukan ni Yulo sa nakalipas na taon dahil sa epekto ng pandemya.
Subalit masaya si Carrion sa itinatakbo ng ensayo ni Yulo sa Tokyo dahil bantay-sarado ito ng world-class Japanese coach na si Munehiro Kugimiya.
Nakakasabay din ni Yulo sa ensayo ang mga Japanese gymnasts na posibleng makalaban niya.
Ayon pa kay Carrion, maingat si Yulo sa health protocols upang manatiling ligtas at malusog ito bago ang Tokyo Olympics.
Matapos ang Tokyo Olympics, babalik sa Pilipinas si Yulo para makasama ang national team sa paghahanda para naman sa 2021 Southeast Asian Games.
- Latest