Utah pinaulanan ng tres ang Memphis
SALT LAKE CITY — Nagsalpak ang Utah Jazz ng kabuuang 19 three-point shots para pulutanin ang Memphis Grizzlies, 126-110 at iposte ang kanilang pang-19 sunod na home win.
Humataw si Donovan Mitchell ng 35 points, habang may 28 markers si Fil-American guard Jordan Clarkson para sa Jazz (34-11) na nakahugot kay center Rudy Gobert ng 16 points at 14 rebounds.
Pinamunuan ni Kyle Anderson ang Grizzlies (21-22) sa kanyang 16 points at may tig-13 at 12 markers sina Jonas Valanciunas, Dillon Brooks at Ja Morant, ayon sa pagkakasunod.
Sa Los Angeles, umiskor si Kawhi Leonard ng 28 points at tumipa si Terance Mann ng season-high 23 para sa 122-112 paggupo ng Clippers (31-16) sa Philadelphia 76ers (32-14).
Sa Oklahoma City, humugot si Jayson Tatum ng 20 sa kanyang 27 points sa second half at nakabangon ang Boston Celtics (23-23) sa fourth quarter para angkinin ang 111-94 panalo sa Oklahoma City Thunder (19-26).
Sa Milwaukee, nag-lista sina Alec Burks at RJ Barrett ng tig-21 points para sa 102-96 pagdaig ng New York Knicks (24-22) sa Giannis Antetokounmpo-less na Bucks (29-16).
Sa New Orleans, nagpasabog si Zion Williamson ng 38 points at may 20 markers si Nickiel Alexander-Walker para sa 112-103 tagumpay ng Pelicans (20-25) sa Dallas Mavericks (23-21).
Sa San Antonio, nagtala si Jakob Poeltl ng 20 points kasunod ang 17 markers ni DeMar DeRozan para akayin ang Spurs (23-20) sa 120-104 tagumpay sa Chicago Bulls (19-25).
- Latest