Clarkson umangat para sa Jazz win
SALT LAKE CITY — Nagpasabog si Fil-Am guard Jordan Clarkson ng season-high 40 points para banderahan ang 134-123 paggiba ng Utah Jazz sa Philadelphia 76ers sa matchup ng mga conference leaders.
Tumipa rin si Clarkson ng career-high na walong three-pointers, habang may 24 markers si Donovan Mitchell para sa pang-walong dikit na ratsada ng Jazz (23-5).
Nakahugot naman ang 76ers ng career-best 42 points kay Ben Simmons kasunod ang season-high 36 markers ni Tobias Harris.
Sa San Francisco, nagpaputok si Stephen Curry ng 36 points para pamunuan ang Golden State Warriors (15-13) sa 129-98 pagpapabagsak sa Cleveland Cavaliers (10-19).
Dinuplika ni Draymond Green ang kanyang career high na 16 assists sa pagpapalasap ng Warriors ng pang-walong sunod na kamalasan sa Cavaliers.
Sa Los Angeles, nag-lista si Marcus Morris, Sr. ng 32 points para ihatid ang Clippers (21-8) sa 125-118 pagpapalamig sa Miami Heat (11-16).
Sa Sacramento, kumolekta si James Harden ng triple-double sa kanyang 29 points, 13 boards at 14 assists para sa 136-125 panalo ng Brooklyn Nets (17-12) kontra sa Kings (12-15).
- Latest