2 MVP teams lumipat sa PVL
MANILA, Philippines — Asahan ang mas matinding bakbakan at engrandeng palabas sa oras na magbalik-aksiyon ang Premier Volleyball League (PVL) na target simulan sa Abril.
Mula sa regular na walong teams, lumobo na sa 10 koponan ang masisilayan sa aksiyon sa pagpasok ng Philippine Superliga teams na Cignal at PLDT Home Fibr na nagpasyang tumawid-bakod.
Kinumpirma ni PVL president Ricky Palou ang pagpasok ng HD Spikers at Power Hitters kung saan inaasahang ipopormalisa na ng dalawang matitikas na koponan ang announcement sa susunod na linggo. “They (Cignal at PLDT) have confirmed that they are entering the PVL,” ani Palou.
Makikipagsabayan ang Cignal at PLDT sa reigning Open Conference champion Creamline, Choco Mucho, Petro Gazz, Bali Pure, Chef’s Classic, Perlas at ang bagong tayong volleyball team.
Inimbitahan din ng PVL ang dalawang koponan mula sa Armed Forces of the Philippines para lumahok sa season opening tournament na Open Conference na planong idaos sa isang bubble setup sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Nakipagkasundo rin ang PVL, kauna-unahang professional league sa bansa, sa Cignal upang maging official broadcast partner ng tatlong taon.
- Latest