Alyssa gigil na gigil na
MANILA, Philippines — Gigil na gigil nang magbalik-aksiyon si Creamline Cool Smashers team captain Alyssa Valdez matapos ang mahigit na isang taong pagkakatengga.
Noong Oktubre 2019 pa huling nasilayan sa aksiyon si Valdez nang buhatin nito ang Cool Smashers sa kampeonato sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference.
Mula noon, hindi na nakapagdaos pa ng mga volleyball tournaments dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Kaya naman sabik na sabik nang tumuntong sa court ang three-time UAAP MVP.
“As of the moment, I’m actually looking forward to have games already,” ani Valdez.
Sa kabila ng pandem-ya, tuluy-tuloy ang workout ni Valdez upang ma-panatiling mataas ang lebel ng kundisyon nito.
Sa katunayan, gumawa ito ng improvise court sa kanilang bakuran upang makapaglaro ng volleyball.
Madalas pa nitong kasama ang kanyang nobyong si NLEX player Kiefer Ravena.
Tuloy lang sa pansariling ensayo si Valdez dahil plano ng pamunuan ng PVL na simulan ang torneo nito sa Abril.
Abot-kamay na ng PVL ang resumption ng tournaments nito matapos maging professional league na ito noong Disyembre.
Ang mga professional leagues lamang ang pinahihintulutan ng Inter-Agency Task Force na magbalik-aksiyon.
- Latest