Irving bumida sa Brooklyn
NEW YORK — Humataw si Kyrie Irving ng season-high na 39 points para banderahan ang Brooklyn Nets sa 124-120 pagtakas sa Los Angeles Clippers.
Nagdagdag si Kevin Durant ng 28 points habang tumipa si James Harden ng triple-double sa kanyang 23 points, 14 assists at 11 rebounds para sa 14-9 record ng Nets. Nagwakas naman ang three-game winning streak ng Clippers (16-6).
Kumamada si Kawhi Leonard ng 33 points at may 26 markers si Paul George sa panig ng Clippers.
Sa Washington, umiskor si Damian Lillard ng 32 points at may 26 markers si Gary Trent Jr. tampok ang pitong three-pointers para sa 132-121 tagumpay ng Portland Trail Blazers (11-9) kontra sa Wizards (4-13).
Naglista si Carmelo Anthony ng 21 points kasunod ang 19 markers ni Robert Covington para sa Blazers, naglaro na wala sina injured starters CJ McCollum (foot), Jusuf Nurkic (wrist) at Derrick Jones Jr. (foot).
Sa Indianapolis, nagposte si Domantas Sabonis ng season-high na 32 points at 13 rebounds para pagbidahan ang 134-116 panalo ng Indiana Pacers (12-9) kontra sa Memphis (9-7).
Tinapos ng Pacers ang seven-game winning streak ng Grizzlies, nakahugot kay Dillon Brooks ng 25 points.
Sa Orlando, nagpasabog si Fred VanVleet ng franchise record na 54 points na kinatampukan ng career-best 11 triples para sa 123-108 pagdaig ng Toronto Raptors (9-12) laban sa Magic (8-14).
- Latest