Davis bida sa panalo ng Lakers
BOSTON — Sa kanyang pagbabalik sa lineup ay nagposte si Anthony Davis ng 27 points at 14 rebounds para tulungan ang nagdedepensang Los Angeles Lakers na lusutan ang Celtics, 96-95.
Nagtala si LeBron James ng 21 points, 7 rebounds at 7 assists sa unang duwelo ng dalawang koponan ngayong season, habang nagdagdag si Montrezl Harrell ng 16 points para sa Lakers (15-6).
Hindi naglaro si Davis sa naunang kabiguan ng Lakers sa Detroit Pistons dahil sa kanyang pasa sa right quadriceps.
Nabigo naman si center Daniel Theis sa kanyang follow-up shot sa pagtunog ng final buzzer para sa Celtics (10-8) na nakahugot kay Jayson Tatum ng 30 points kasunod ang 28 markers ni Jaylen Brown.
Sa Charlotte, kumamada si LaMelo Ball ng career-high 27 points para igiya ang Hornets (9-11) sa 126-114 paggupo sa Milwaukee Bucks (11-8).
Tumapos si Giannis Antetokounmpo na may 34 points, 18 rebounds at 9 assists para sa Bucks.
Sa New Orleans, tumipa si Christian Wood ng 27 points para sa 126-112 tagumpay ng Houston Rockets (9-11) kontra sa Pelicans (7-11).
Sa Chicago, isinalpak ni Damian Lillard ang isang fadeaway 3-pointer sa final buzzer para sa 123-122 pag-eskapo ng Portland Trail Blazers (10-8) laban sa Bulls (7-11).
Sa Miami, umiskor si Butler ng season-high 30 points para ihatid ang Heat (7-12) sa 105-104 pagtakas sa Sacramento Kings (8-11).
- Latest