Toronto, Boston namuro na
LAKE BUENA VISTA, Florida — Isang panalo na lang ang kailangan ng nagdedepensang Toronto Raptors at Boston Celtics para itakda ang kanilang semifinals series sa NBA bubble.
Humataw si Pascal Siakam ng 26 points para pamunuan ang No. 2 Raptors sa 117-92 paggupo sa No. 7 Brooklyn Nets at kunin ang 3-0 lead sa kanilang first-round playoff series sa Eastern Conference kahapon dito sa Disney World campus.
Maaari nang i-sweep ng Toronto ang Brooklyn bukas para dumiretso sa second round.
“Our goal is always to win, and that’s what we came into the game for and I don’t think we’re worried about that,” wika ni Siakam sa hawak 3-0 lead ng Raptors.
Nagdagdag si Fred VanVleet ng 22 points tampok ang 6-of-10 shooting sa three-point range habang may 20 si Serge Ibaka at tig-11 markers sina Kyle Lowry at Norman Powell, ayon sa pagkakasunod.
Umiskor naman si Kemba Walker ng 24 points para igiya ang No. 3 Celtics sa 102-94 paggiba sa No.6 Philadelphia 76ers at ilista ang 3-0 abante sa kanilang sari-ling first round series.
May 21 markers si Jaylen Brown para sa Boston kasunod ang 15 points ni Jason Tatum.
Humakot naman si star center Joel Embiid ng 30 points at 13 rebounds sa panig ng Philadelphia.
Samantala, nagsalpak si Mike Conley ng career playoff-high na pitong 3-pointers para sa kanyang 27 points at inihatid ang No. 6 Utah Jazz sa 124-87 pagdaig sa No. 3 Denver Nuggets sa Western Conference.
Kumolekta si center Rudy Gobert ng career playoff-high 24 points at 14 rebounds para sa 2-1 bentahe ng Jazz sa kanilang serye ng Nuggets.
Inangkin din ng No. 2 Los Angeles Clippers ang 2-1 abante sa sariling series kontra sa No. 7 Dallas Mavericks matapos ang 130-122 panalo, tampok ang 36 points, 9 rebounds at 8 assists ni Kawhi Leonard.
- Latest