National men’s volleyball team napurnada sa club championships
MANILA, Philippines — Napurnada ang pagsabak ng Philippine men’s volleyball team sa 2020 Asian Men’s Club Volleyball Championships.
Mula Abril ay iniatras ng Asian Volleyball Confederation sa Agosto ang torneo bilang pag-iingat sa banta ng coronavirus disease-2019.
Unang naka-schedule ang isa mga prestihiyosong Asian tourney sa Abril 18-25 sa Nakhon Ratchasima sa Thailand.
Ngunit humingi ng postponement ang Thailand Volleyball Association (TVA) para makaiwas sa nasabing virus.
Matapos matanggap ang request ng TVA ay nagpasya ang Asian volleyball governing body na itakda ang taunang torneo sa Agosto 10- 17 para sa kaligtasan ng lahat ng atleta at ng mga opisyal.
Sa kasalukuyan ay may 114 kumpiramadong kaso ng COVID-19 sa Thailand at isa na ang namatay.
Ito ang unang pagkakataon na muling hahawakan ng Thailand ang Asian tourney 20 taon mula ng inorganisa ito ng Suphan Buri noong 2000.
Kailangang maghintay ang Nationals ng ilang buwan bago muling sumalang sa una nilang international tournament ngayong taon matapos ang makasaysayang silver-medal finish sa 30th Southeast Asian (SEA) Games noong 2019.
Makakaharap ng pambansang koponan ang 14 teams mula sa Australia, Hong Kong, Chinese Taipei, Iran, Sri Lanka, Vietnam, Japan, South Korea, Kazakhstan, Uzbekistan, Qatar, China at dalawang team mula sa host Thailand.
- Latest