Paglalaro ni Tebow sa Team Philippines naudlot
MANILA, Philippines — Pansamantalang mauudlot ang pagsusuot ni NFL superstar Tim Tebow ng jersey ng Team Philippines matapos suspindihin ng Major League Baseball ang 2021 World Baseball Classic (WBC) Qualifiers.
Nakatakda sanang magsimula ang bakbakan sa naturang world qualifying tournament ngayong araw (US time) sa Kino Veterans Memorial Stadium sa Tucson, Arizona ngunit nagdesisyon ang mga organizers na ipagpaliban ito dahil sa coronavirus.
Kasama ang New York Mets minor league outfielder na si Tebow sa line-up ng national team dahil sa Makati City siya ipinanganak.
Bagama’t parehong Amerikano ang kanyang mga magulang, itinuturing siyang kuwalipikadong maglaro dahil sa legalidad ng place of birth niya.
Sasabak sana ang Pilipinas World Baseball Classic (WBC) Qualifier 2 kung saan makakasama ng Pinoy squad sa grupo ang Czech Republic (No. 16), Spain (No. 6), New Zealand (No. 48), Panama (No. 13) at Great Britain (No. 31).
Tanging ang magkakampeon at runner-up lamang ang papasok sa World Baseball Classic na lalaruin sa susunod na taon.
- Latest