Davao, Makati humirit ng Game 3
Lamitan City, Philippines — Rumesbak ang Davao Occidental Tigers at Makati Super Crunch para ipuwersa ang Game Three sa kani-kanilang division finals sa Chooks-to-Go/MPBL Lakan Season.
Binalikan ng Tigers ang Basilan Steel, 81-76, sa Game Two para itabla sa 1-1 ang kanilang South title series noong Miyerkules ng gabi sa Lamitan City Gymnasium.
Tinakasan naman ng Super Crunch ang San Juan Knights, 91-88, para sa 1-1 pagkakatabla sa kanilang North titular showdown sa San Juan City.
Nakatakda ang Game Three ng parehong serye bukas.
Ang triple ni Billy Robles ang nagbigay sa Davao ng 77-74 abante kasunod ang basket ni Allyn Bulanadi para idikit ang Basilan sa 76-77.
Tumipa si Bonbon Custodio ng banked shot para muling ilayo ang Tigers sa 79-76, habang kapos naman ang ibinatong tres ni Bulanadi sa panig ng Steel.
Isinalpak ni Mark Yee ang dalawa niyang free throws para selyuhan ang panalo ng Davao.
Nagtala si Eman Calo ng 17 points, 8 rebounds, 3 assists at 3 steals para pamunuan ang Davao at may 14 markers si Richard Albo.
Humataw naman si Bulanadi ng 24 points, 6 rebounds at 4 assists sa panig ng Basilan kasunod ang 21 markers ni Jay Collado.
Samantala, bumangon naman ang Knights mula sa 10-point deficit sa likod nina Jhonard Clarito, Art Aquino, Orlan Wamar at CJ Isit para idikit ang laro sa 87-89 sa huling 20 segundo ng fourth period.
Ngunit nagsalpak si Joseph Sedurifa ng dalawang free throws para ilayo ang Super Crunch sa 91-87.
Nakahugot ang Makati ng 20 points kay Jeckster Apinan.
- Latest