Tuloy pa rin ang training ng mga Pinoy
MANILA, Philippines – Tuluy-tuloy pa rin ang preparasyon ng mga Filipino athletes para makahirit ng tiket sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Ito ay sa kabila ng banta ng novel coronavirus (COVID-19) sa iba’t ibang bansa.
Sinabi kahapon ni Nonong Araneta, ang Chef De Mission para sa 2020 Tokyo Olympics, na wala pang opisyal na pahayag ang International Olympic Committee (IOC) tungkol sa estado ng quadrennial event na nakatakda sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9.
“Umaasa lang kami sa statement ng IOC. So far, wala pang official cancellation, walang official postponement,” wika ni Araneta. “So we’re preparing as it goes. If it’s a go, then we’re prepared for it.”
Ilang Olympic qualifying na sa iba’t ibang bansa ang kinansela bunga ng banta ng kumakalat na COVID-19.
“Ang naka-cancel lang ay sa Korea and China. But the rest are proceeding with their qualifiers. Kung nagche-change ng venue, just advise us and we’ll prepare the budget,” ani Araneta.
Tanging sina boxer Eumir Felix Marcial, pole vaulter EJ Obiena at gymnast Carlos Yulo ang nakatiyak ng tiket sa 2020 Olympics.
- Latest